|
Sa Kasal, Kasali, Kasalo, pagkatapos layasan ng buntis na si Anj (Judy Ann) si Jed (Ryan Agoncillo) dahil sa kaniyang pambababae, sinalubong tayo ng isang gasgas na gasgas na linya mula sa nanay ni Anj: "Pare-pareho lang sila! Mapamahirap, mapamayaman, mataba, payat..." Dito nabubunyag ang kalikasan ng pag-ibig sa ilalim ng Kasal: na ang pag-ibig na ibinibigay ng babae at ng lalaki sa isa't isa sa ilalim ng matrimoniya ay hindi nakatuon sa indibidwal, ni hindi man lang sa isang ideyal na asawa, kundi sa lahat ng lalaki/babae. Sa punto kung kailan napagtanto ng ikinasal na "pare-pareho lang sila," nakikilala niya nang bahagya na ang pag-ibig niya ay nakatuon sa isang simbolikong asawa, sa isang "universal function." Mahalagang alalahanin ang suliranin ni Sigmund Freud sa pag-aanalisa ng pag-ibig. Sa kaniyang Civilization and its Discontents, ibinilang niya ang pag-ibig sa mga mekanismo ng Pleasure at Reality Principle, sa pagpupursigi ng tao na maging masaya, o ang negatibong kahanay nito, ang alisin ang paghihirap. Sa simula ng libro, sa pagpapaliwanag niya tungkol sa externality ng ego, sinabi niyang sa tugatog ng pagiging in love, "the boundary between the ego and object threatens to melt away." Dagdag pa niya, "against all the evidence of his senses, a man who is in love declares that "I" and "you" are one, and is prepared to behave as if it were true." Mapapansin ang kaguluhan at ang kaniyang pag-aatubili nang umpisahan na niyang ipaliwanag ang pag-ibig sa ilalim ng Pleasure at Reality Principle: "men cling to objects belonging to the external world and obtain happiness by attaching emotions..." Pansinin na sa unang pagpapakahulugan, nawala ang hanggahan ng subject at object; at sa pag-iisa ng "ako" at "ikaw," nasasaklaw ng subjectivity ng "ako" ang "ikaw," at gayundin, nagiging object ang "ako." Samantala, sa huling pagpapakahulugan, nanatiling isang bagay ang iniibig. Sa halip na humanap ng "gitna," mas mainam na tanggaping mayroong dalawang magkatunggaling konsepto ng pag-ibig si Freud; at dito magagamit nating mahusay na hambingan ang konsepto ni Marx ng kamalayan na mayroong totoo at huwad. Ang unang pagpapakahulugan ni Freud sa pag-ibig ang totoo: dito nakikilala ng umiibig ang kaniyang lugar sa obhektibong kalagayan (ang iniibig), at gayundin, pinipilit ng umiibig na mapagniig ang kaniyang subhektibo at obhektibong kalagayan. Sa kabilang banda, sa ikalawang pagpapakahulugan matatagpuan ang huwad: kinikilala lamang ng umiibig ang kakayahang mapunan ng iniibig ang kaniyang kakulangan, ang kaniyang pangangailangang maging maligaya, nang hindi kinikilala ang kakayahan ng iniibig na diktahan mismo ang kaniyang pangangailangan. Sa ganoong paraan, hindi kaya ang ugat ng kaguluhan sa pag-aanalisa ni Freud sa pag-ibig ay ang ituring ito bilang bahagi ng Pleasure at Reality Principle? Hindi kaya sa halip na panatilihin ng totoong pag-ibig ang balanse at kaayusan (homeostasis) ng isang tao, ito mismo ang sumisira at bumabasag sa kaayusang ito na ang pag-ibig ang siyang kaganapan ng death drive? Kung gayon, nagiging totoo't kakatwa ang dalawang sinabi ni Freud kung bakit hindi niya binibili ang "love for all men:" "a love that does not discriminate seems to me forfeit a part of its own value, by doing an injustice to an object" at "not all men are worthy of love." Kung ibinibigay ng death drive ang kinakailangang pagbasag (break) upang sa gayon ay magkaroon hindi lamang ng pag-uulit (repetition) kundi ng pagbabago, ibig lamang sabihin ni Freud ay hindi maaaring magkaroon ng pagkakataong maulit at mabago ang lahat. Kung kaya't babalik tayo sa problematisasyon natin sa sinabi ng nanay ni Anj: kung ang pag-ibig sa kasal ay ang pag-ibig sa lahat, sa isang simbolikong asawa, ang sinasabi sa atin ni Freud ay hindi ito pag-ibig. At hindi ba't napatutunayan ito sa dulo ng pelikula, kung saan nagbati si Anj at si Jed pagkatapos manganak ni Anj? Na ang pag-ibig dito ay napananatili lamang ng pagiging kasal at ng pagkakaroon ng anak. Ang punto ay hindi kung mahal nga ba talaga nila ang isa't isa pagkatapos at sa kabila ng lahat ng nangyari, kundi sa tingin nila, mahal nila ang isa't isa. Sa ganoong paraan ang pag-ibig na iyon ay isang ilusyong "objective, objectifiable" ayon kay Lacan kung saan ang kabatiran nito ang siyang katapusan. Saan pa ba natin makikita ang pag-ibig bilang ilusyong "objective, objectifiable" kundi sa pangitain ng mga love team? Sabi ng isa kong kaibigan, nag-mature na raw ang mga manonood, hindi na nila inaasahang ang love team sa pelikula ay love team din sa totoong buhay. Pinagdududahan ko pa ito (dahil sa kaso, halimbawa, ni Juday at Ryan), ngunit kung sakaling totoo man ito kahit kaunti, ibig-sabihin lang nito ay halos nasa tugatog na ng komodipikasyon ang pag-ibig sa pelikula: ang tinatangkilik ng manonood ay hindi ang Totoo, kundi ang mga abstraksyon, ang Simboliko. Kaakibat ng komodipikasyon ang abstraksyon, at nang sabihin ni Marx sa kaniyang "The Fetishism of Commodities" na "a commodity is therefore a mysterious thing," ibig niyang sabihin na ang commodity ay isa mismong abstraksyon (ng paggawa). Hindi na natin kailangang lumayo upang makahanap ng magandang halimbawa: ang pagtatangka ng administrasyon na taasan ang matrikula ng UP upang "mapanatili ang istandard ng edukasyon" ay isang balahurang reduksiyon ng materyal na pinagmumulan ng "edukasyon" walang iba kundi ang ugnayan ng mga tao at ang abstraksyon dito ay ang mismong pangalan ng unibersidad, UP, na kinakailangang mapanatili ang kaniyang katayuan bilang "premiere state university" (kahit na sa huli, ang mananatili lamang ay ang premiere at university). Sa kaso ng mga love team, ang nakababahala ay hindi ang pagtangkilik sa abstraksyon, kundi ang kakayahan ng mga manonood na makilala ang Simboliko ngunit maniwala pa rin dito. [Isang pagbabaligtad sa estadong ito ang nangyayari sa pornograpiya doon makikita ang totoong pagtatalik (may pumapasok at lumalabas) ngunit hindi ito ang Totoo. Samantala, sa Scorpio Nights ni Peque Gallaga, makikita ang libog at pagtatalik sa looban: sa sidhi, rubdob, dumi, at karahasan nito, hindi ito nakapupukaw ng libog. Gayunpaman, hindi totoo ang pagtatalik, mayroon lamang pagganap, may nagaganap sa Simboliko. Sa ganoong paraan, higit na Totoo ang pagtatalik sa Scorpio Nights hindi nakalilibog ang libog ng iba ngunit ito ang mahirap kilalanin (ngunit madaling tanggihan). Sa pornograpiya, gaano man ito katotoo, nananatili itong isang pantasya.] May isa pang sinabing kapansin-pansin ang nanay ni Anj: nang makituloy ang nanay ni Anj sa bahay ng nanay ni Jed (doon sila nakatira, wala pa silang sariling bahay), nadumihan niya, nang gamitin niya itong pangtuyo ng buhok pagkatapos magtina, ang tuwalya ng nanay ni Jed na binili sa London. "Hindi sa klase ng tuwalyang ginagamit nasusukat ang pagkatao," ani ng nanay ni Anj. Sa ganitong paraan, nagiging kapansin-pansin ang pagpoposisyon ng pag-ibig sa ibabaw ng mga materyal na kondisyon (una, "pare-pareho lang sila"; ikalawa, yung sa tuwalya). Nakatatawa kung papaano sumasakto ang representasyong ito sa Culturalism at sa Identity Politics, na ang sinasabi ay ang lahat ng suliranin ng tao ay maiuugat sa kultura, kung kaya't ang pakikibaka ay nararapat na nasa lebel lamang ng kultura; huwag na nating pansinin ang uri, ang exploitation, lahat iyan ay dulot ng pagkakaiba-iba. |
| Leave a Comment: |