WIKA vs. Republika ng Filipinas
Maaaring tingnan ngayon ang magkawangis na kalagayan ng Filipino
kung ihahambing sa Ingles, at ng wikang panlalawigan kung itatabi sa
Tagalog. Maaaring hindi na isalin sa Filipino ang mga akdang Ingles
upang maunawaan ng mga Filipino. Ngunit upang ipaintindi ang akdang
Filipino sa labas ng bansa ay talagang dapat isalin kahit sa Ingles
muna. Siya rin ang relasyon ng Tagalog (bilang 'dominanteng' wika) sa
wika ng ibang rehiyon.
Subalit hindi na makabuluhan ang
pagtingin sa 'dominanteng' wika bilang nakatataas. Isang patibong ang
ganitong pagpapakahulugan. Nagkakaroon kasi ng panganib na ibaling sa
sitwasyon ang di pag-usad ng panitikang pangrehiyon; ang magiging
puno't dulo ng di pag-usad ng panitikan ay nakapako sa
pagka-hindi-Tagalog nito. At mula doon ay maaaring mahinuha na
kailangan munang palakasin ang wika upang mapalakas ang sining, gayong
ang kabaligtaran ang tunay na nangyayari: Panitikan ang nagpapausad sa
wika sapagkat may kakayahan itong sumalamin sa kasalukuyang kawikaan,
at lumikha ng mga pagbabago.
Kakulitan at hungkag na kahambugan
ang pagpilit sa iba na mag-aral ng wikang di-likas sa kanila para
lamang mabasa nila ang isang akda. Ang natural at makatotohanang
daloy ay magsisimula sa paglikha ng isang magandang akda, ang
pagsasalin nito sa ibang wika, ang pagbasa ng 'banyaga' sa salin na
makapang-eengganyo sa kaniyang basahin ito sa orihinal nitong anyo, na
lilikha ngayon ng pangangailangang aralin ang wikang ginamit sa
pagkatha.
Ang pagtawag sa isang wika na 'dominante' ay hindi
pagsuko ng sarili bilang mas mahina, ngunit pagkilala sa simple at di
naman masamang katotohanang mas ginagamit o mas malawak ang paggamit ng
wikang tinaguring 'dominante' nga. Hindi na rin ito babagsak sa
simpleng populasyon, o bilang ng taong gumagamit ng isang wika. Dahil
kung tutuusin, mas marami talagang nagsasalita ng Tsino sa mundo.
Tinatawag ang Ingles na 'most widely spoken language' na kaiba sa
'language spoken by the most number of people.' Mas maraming lugar sa
mundo ang nakaiintindi sa Ingles (at may nagsasabing tuluyan na nitong
napalitan ang Pranses bilang wikang pandiplomasya) kaya't tinitingnan
ito bilang 'dominanteng' wika. Isa itong katotohanang maluwag na
tinatanggap ng mga kababayan nating maka-Ingles, ngunit kapag inilapat
ang kaparehong dahilan para sa Tagalog ay umaalma naman sila.
Dito
rin nakaangkla ang pagsang-ayon ng iba sa EO210. Tama lang talagang
mag-aral tayo ng Ingles, sapagkat ito ang dominanteng wika sa mundo, at
hindi dapat magpahulí ang Pilipinas sa paggamit nito.
At wala
naman talagang tutol ang WIKA sa pag-aaral ng Ingles. Tunay na sa
larangan ng kalakalan at akademikong pagsaliksik ay napakalaking bagay
ng kaalaman ng banyagang wika. At maganda nga kung ito ang dahilan ng
pamahalaan sa pagtulak sa mga mamamayang mag-aral ng Ingles – upang
tuluyan nang makipagsabayan ang Filipino sa pandaigdigang kalakalan,
diplomasya, at pang-akademikong pagsaliksik. Ngunit hindi maaalis ang
kutob kong gusto lamang ng gobyernong dumami ang mga Filipinong
nagpapaalipin sa banyaga sa labas ng bansa bilang mga overseas contract
worker, o sa loob ng bansa bilang mga call center agent. Napakalaki
nga naman ng naitutulong nila sa ekonomiya. Pinipintuho ng
kasalukuyang pamunuan ang pagdating ng búkas na lahat ng Filipino'y
nasa labas na ng bansa, dili kaya'y maging tanging bansa sa Asyang
sumusunod sa Central Standard Time.
Ngunit hindi nga ang
pag-aaral ng Ingles ang kinakaharap nating suliranin, kundi ang
pagtuturo gamit ang wikang ito. Bukod sa nauna nang sinabi na
nakapagpapabagal ito sa pagkatuto ng bata kung hindi naman ito ang
kinalakhan niyang wika (tingnan ang ikaapat na talata sa unang bahagi),
wala pa tayong ganap na mekanismo upang gamitin ito sa pagtuturo.
Mabuti sana kung nasisiguro na nating lahat ng guro (lalo na sa
pampublikong mga paaralan) ay gagap na gagap na ang paggamit sa
Ingles. Alam nating hindi ito totoo. At salamat sa EO210, makikinig
ang mga mag-aaral natin sa mga guro nang wala silang maiintindihan
sapagkat maski ang guro nila'y kulang ang kakayahan ipaintindi ang
kaniyang sarili.
(Susunod: Ang Ingles at ang mga karatig nating bansa; at ang sinabi ni Simoun tungkol sa wika)
Posted at 07:22 am by online1