Entry: Pag-ibig Bilang Kamatayan
Hindi lang mahalaga, kundi mistulang kailangan ng industriya ng showbiz
ang konsepto ng pag-ibig ibig kong sabihin, mistulang kailangang
lahat ng pelikula at telenobela ay mayroong sentral na tema ng
pag-ibig. Magmula sa mga laman-dagat, sa taong-ibon, papunta sa mga
treasure hunters, at siyempre papaano pa kaya ang mga nagtatangkang
gayahin ang "totoo?"
Sa Kasal, Kasali, Kasalo, pagkatapos
layasan ng buntis na si Anj (Judy Ann) si Jed (Ryan Agoncillo) dahil sa
kaniyang pambababae, sinalubong tayo ng isang gasgas na gasgas na linya
mula sa nanay ni Anj: "Pare-pareho lang sila! Mapamahirap, mapamayaman,
mataba, payat..." Dito nabubunyag ang kalikasan ng pag-ibig sa ilalim
ng Kasal: na ang pag-ibig na ibinibigay ng babae at ng lalaki sa isa't
isa sa ilalim ng matrimoniya ay hindi nakatuon sa indibidwal, ni hindi
man lang sa isang ideyal na asawa, kundi sa lahat ng lalaki/babae. Sa
punto kung kailan napagtanto ng ikinasal na "pare-pareho lang sila,"
nakikilala niya nang bahagya na ang pag-ibig niya ay nakatuon sa isang
simbolikong asawa, sa isang "universal function."
Mahalagang alalahanin ang suliranin ni Sigmund Freud sa pag-aanalisa ng pag-ibig. Sa kaniyang Civilization and its Discontents, ibinilang niya ang pag-ibig sa mga mekanismo ng Pleasure at Reality Principle,
sa pagpupursigi ng tao na maging masaya, o ang negatibong kahanay nito,
ang alisin ang paghihirap. Sa simula ng libro, sa pagpapaliwanag niya
tungkol sa externality ng ego, sinabi niyang sa tugatog ng pagiging in
love, "the boundary between the ego and object threatens to melt away."
Dagdag pa niya, "against all the evidence of his senses, a man who is
in love declares that "I" and "you" are one, and is prepared to behave
as if it were true." Mapapansin ang kaguluhan at ang kaniyang
pag-aatubili nang umpisahan na niyang ipaliwanag ang pag-ibig sa ilalim
ng Pleasure at Reality Principle: "men cling to objects belonging to
the external world and obtain happiness by attaching emotions..."
Pansinin na sa unang pagpapakahulugan, nawala ang hanggahan ng subject
at object; at sa pag-iisa ng "ako" at "ikaw," nasasaklaw ng
subjectivity ng "ako" ang "ikaw," at gayundin, nagiging object ang
"ako." Samantala, sa huling pagpapakahulugan, nanatiling isang bagay
ang iniibig. Sa halip na humanap ng "gitna," mas mainam na tanggaping
mayroong dalawang magkatunggaling konsepto ng pag-ibig si Freud; at
dito magagamit nating mahusay na hambingan ang konsepto ni Marx ng
kamalayan na mayroong totoo at huwad.
Ang unang
pagpapakahulugan ni Freud sa pag-ibig ang totoo: dito nakikilala ng
umiibig ang kaniyang lugar sa obhektibong kalagayan (ang iniibig), at
gayundin, pinipilit ng umiibig na mapagniig ang kaniyang subhektibo at
obhektibong kalagayan. Sa kabilang banda, sa ikalawang pagpapakahulugan
matatagpuan ang huwad: kinikilala lamang ng umiibig ang kakayahang
mapunan ng iniibig ang kaniyang kakulangan, ang kaniyang
pangangailangang maging maligaya, nang hindi kinikilala ang kakayahan
ng iniibig na diktahan mismo ang kaniyang pangangailangan.
Sa
ganoong paraan, hindi kaya ang ugat ng kaguluhan sa pag-aanalisa ni
Freud sa pag-ibig ay ang ituring ito bilang bahagi ng Pleasure at
Reality Principle? Hindi kaya sa halip na panatilihin ng totoong
pag-ibig ang balanse at kaayusan (homeostasis) ng isang tao, ito mismo
ang sumisira at bumabasag sa kaayusang ito na ang pag-ibig ang siyang
kaganapan ng death drive? Kung gayon, nagiging totoo't kakatwa ang
dalawang sinabi ni Freud kung bakit hindi niya binibili ang "love for
all men:" "a love that does not discriminate seems to me forfeit a part
of its own value, by doing an injustice to an object" at "not all men
are worthy of love." Kung ibinibigay ng death drive ang kinakailangang
pagbasag (break) upang sa gayon ay magkaroon hindi lamang ng pag-uulit
(repetition) kundi ng pagbabago, ibig lamang sabihin ni Freud ay hindi maaaring magkaroon ng pagkakataong maulit at mabago ang lahat.
Kung
kaya't babalik tayo sa problematisasyon natin sa sinabi ng nanay ni
Anj: kung ang pag-ibig sa kasal ay ang pag-ibig sa lahat, sa isang
simbolikong asawa, ang sinasabi sa atin ni Freud ay hindi ito pag-ibig.
At hindi ba't napatutunayan ito sa dulo ng pelikula, kung saan nagbati
si Anj at si Jed pagkatapos manganak ni Anj? Na ang pag-ibig dito ay
napananatili lamang ng pagiging kasal at ng pagkakaroon ng anak. Ang
punto ay hindi kung mahal nga ba talaga nila ang isa't isa pagkatapos
at sa kabila ng lahat ng nangyari, kundi sa tingin nila, mahal nila ang
isa't isa. Sa ganoong paraan ang pag-ibig na iyon ay isang ilusyong
"objective, objectifiable" ayon kay Lacan kung saan ang kabatiran
nito ang siyang katapusan.
Saan pa ba natin makikita ang pag-ibig bilang ilusyong "objective, objectifiable" kundi sa pangitain ng mga love team?
Sabi
ng isa kong kaibigan, nag-mature na raw ang mga manonood, hindi na nila
inaasahang ang love team sa pelikula ay love team din sa totoong buhay.
Pinagdududahan ko pa ito (dahil sa kaso, halimbawa, ni Juday at Ryan),
ngunit kung sakaling totoo man ito kahit kaunti, ibig-sabihin lang nito
ay halos nasa tugatog na ng komodipikasyon ang pag-ibig sa pelikula:
ang tinatangkilik ng manonood ay hindi ang Totoo, kundi ang mga
abstraksyon, ang Simboliko. Kaakibat ng komodipikasyon ang abstraksyon,
at nang sabihin ni Marx sa kaniyang "The Fetishism of Commodities" na
"a commodity is therefore a mysterious thing," ibig niyang sabihin na
ang commodity ay isa mismong abstraksyon (ng paggawa). Hindi na natin
kailangang lumayo upang makahanap ng magandang halimbawa: ang
pagtatangka ng administrasyon na taasan ang matrikula ng UP upang
"mapanatili ang istandard ng edukasyon" ay isang balahurang reduksiyon
ng materyal na pinagmumulan ng "edukasyon" walang iba kundi ang
ugnayan ng mga tao at ang abstraksyon dito ay ang mismong pangalan ng
unibersidad, UP, na kinakailangang mapanatili ang kaniyang katayuan
bilang "premiere state university" (kahit na sa huli, ang mananatili
lamang ay ang premiere at university). Sa kaso ng mga love team, ang
nakababahala ay hindi ang pagtangkilik sa abstraksyon, kundi ang
kakayahan ng mga manonood na makilala ang Simboliko ngunit maniwala pa
rin dito.
[Isang pagbabaligtad sa estadong ito ang nangyayari sa
pornograpiya doon makikita ang totoong pagtatalik (may pumapasok at
lumalabas) ngunit hindi ito ang Totoo. Samantala, sa Scorpio Nights ni
Peque Gallaga, makikita ang libog at pagtatalik sa looban: sa sidhi,
rubdob, dumi, at karahasan nito, hindi ito nakapupukaw ng libog.
Gayunpaman, hindi totoo ang pagtatalik, mayroon lamang pagganap, may
nagaganap sa Simboliko. Sa ganoong paraan, higit na Totoo ang
pagtatalik sa Scorpio Nights hindi nakalilibog ang libog ng iba
ngunit ito ang mahirap kilalanin (ngunit madaling tanggihan). Sa
pornograpiya, gaano man ito katotoo, nananatili itong isang pantasya.]
May
isa pang sinabing kapansin-pansin ang nanay ni Anj: nang makituloy ang
nanay ni Anj sa bahay ng nanay ni Jed (doon sila nakatira, wala pa
silang sariling bahay), nadumihan niya, nang gamitin niya itong
pangtuyo ng buhok pagkatapos magtina, ang tuwalya ng nanay ni Jed na
binili sa London. "Hindi sa klase ng tuwalyang ginagamit nasusukat ang
pagkatao," ani ng nanay ni Anj. Sa ganitong paraan, nagiging
kapansin-pansin ang pagpoposisyon ng pag-ibig sa ibabaw ng mga materyal
na kondisyon (una, "pare-pareho lang sila"; ikalawa, yung sa tuwalya).
Nakatatawa kung papaano sumasakto ang representasyong ito sa
Culturalism at sa Identity Politics, na ang sinasabi ay ang lahat ng
suliranin ng tao ay maiuugat sa kultura, kung kaya't ang pakikibaka ay
nararapat na nasa lebel lamang ng kultura; huwag na nating pansinin ang
uri, ang exploitation, lahat iyan ay dulot ng pagkakaiba-iba.
Posted at 07:21 am by online1