Ilang Tala Hinggil sa Popular na Kultura
1.
Nangangailangan ang hegemonya ng panakip-butas sa kahinaan
nitong panatilihin ang "spontaneous consent" ng madla — hindi na
matatag ang pagkakaangkla ng "consent" sa "historical cause," iyon ay,
ang "prestige and confidence" na nabuo sa loob ng mahabang panahon (na
naging posible rin dahil sa posisyon nito sa lipunan); ngunit gayon
din, kung gusto nitong manatili sa kapangyarihan, hindi nito maaaring
gamitin ang kaniyang lantarang marahas na "coercive power."
Sa
kontemporanyong panahon, higit na napagtitibay ang haka ni Marx na "the
ideas of the ruling class are in every epoch the ruling ideas." Kung
dati ay hayag ang namamayaning ideya at pwersahan itong ipinatatanggap,
sa puntong ito ng global na kapitalismo, nakahanap ang namamayaning
ideya ng isang pormang hindi lamang madaling tanggapin kundi naghaharap
ng ilusyong hindi ito ang mga ideya ng namamayaning uri: ang popular na
kultura.
2.
Lubhang marahas ang ilusyong ipinapataw ng
popular na kultura: ipinatatanggap nito ang kasalukuyang namamayaning
realidad bilang nanggaling at gawa ng mga indibidwal. Dahil din doon,
gumagana ito sa lohika ng eksklusyon. Tingnan, halimbawa, ang penomenon
ng pagka-Jologs: lubha itong dinarakila bilang "ang katangian" ng masa,
sa puntong lumilikha ito ng puwang sa fetishization ng mismong
kulturang ito — ang hindi Jologs, hindi masa; ang masang hindi Jologs,
nagkocoòo-coòohan.
3.
Sinusuportahan ng popular na
kultura ang pagdaloy at pangangailangan ng merkado — kung dati-rati,
ang moda ng mga advertisement ng PLDT ay nakatuon lamang sa lokal na
pakikipag-ugnayan, iyon ay, mula probinsiya hanggang Maynila (kung
matatandaan ang advertisement ng "magshishift sa fine arts na anak"),
ngayon, kung kailan ang primaryang ekonomikong lakas ng Pilipinas ay
ang pag-eexport ng mga tao, nakatuon na ito sa global na
pakikipag-ugnayan. Inilalahad nito ang pagkakaroon ng pangangailangan
ng indibidwal bilang isang natural na pangyayari, at hindi dulot ng mga
ipinataw na konsekwensiya.
Kakatwa kung papaano ito nakita ni
Freud sa maagang panahon ng kapitalismo. Sa punto kung saan kinakaharap
niya ang suliranin ng kabihasnan, partikular na ang kakayahan ng tao na
tugunan ang kaniyang pangangailangan sa pamamagitan ng teknolohiya
(hal., tren, telegrapo), nakita niyang tinutugunan lamang ng
teknolohiya ang mga pagkukulang na nilikha rin ng mismong teknolohiya
at kaayusan niya (hal., hindi mangangailangan ng tren ang emigrante
kung may sapat na trabaho sa lugar niya, hindi mangangailangan ng
telegrapo ang ina kung hindi kailangang umalis ng kaniyang anak)
4.
Dito
natin makikita na bukod sa "dynamics of obsolescence," kung saan
"naluluma" agad ang mga bagay bago pa man ito tuluyang magamit, mayroon
ding "dynamics of dependence" ang kasalukuyang sistema: sa paglabas ng
mga bago at bagong produkto, lumilikha ito ng kanilang sariling
pagkukulang, na ang tanging sagot ay mga bago at bago ring produkto.
Gaano ito kalapit sa konseptwalisasyon ni Lacan ng relasyon ng objet petit a at ng pagnanasa?
Kung
sa relasyon ng objet petit a at ng pagnanasa, nagkakaroon lamang ng
pagapalit ng variable (ang "a" sa objet petit a) dahil sa hindi ito ang tunay na ninanais ng subject, itinutulak ng "dynamics of dependence" ang subject upang panatilihin ang isang bagay na hindi niya nais
sa pamamagitan ng paglalantad ng mga bagay na kulang sa "a." Ang
nangyayari ay ang lubos na pagkatali ng subject sa sistema, kung saan
ang kaniyang nais ay hindi na ang kaniyang nais kundi ang nais ng mga objet a.
Posted at 10:48 am by online1