Nov 16, 2007
Huling bahagi

Hindi sinasabi ng WIKA na huwag nang pag-aralan ang Ingles.  Mas maganda lamang na tingnan ito hindi bilang pangangailangan ng lahat ng Filipino, kundi bilang dagdag na aralin ng mga taong pipiliing gamitin ito sa pag-usad ng kanilang hanapbuhay.


Mungkahi ng WIKA na katutubong lengguwahe ang gamitin sa pagtuturo sa mga bata ng mga pundasyon ng mga konseptong pang-asignatura.  Hindi kailangang ikatakot na mamatay ang paggamit ng Ingles sa Pilipinas, sapagkat maaari naman itong manatili bilang isa sa mga asignatura (pati na rin ang Tagalog, kung nanaisin) na kailangan rin munang bigyan ng pundasyon habang nagsisimula pa lamang mag-aral ang isang bata.  Sa ganitong paraan, ganap na magiging progresibo ang daloy ng edukasyon – habang umaakyat ng baitang ay tunay na nagiging mas mataas ang antas, hindi lamang ng pagkatuto, ngunit ng paraan din ng pagtuturo.

Hindi dapat mabagabag sa nangyayari sa mga karatig-bansa nating nagkakandaugaga naman ngayong mag-aral ng Ingles, habang tayo'y magbabalik sa sarili nating wika.  Dapat ngang lalo tayong mabagabag na kinakailangan nating balikan ang atin. 

[Mas nasasaktan pa tayo kapag sinasabihan tayong hindi tayo marunong mag-Ingles, tulad ng nangyari sa isang panayam kay Josh Hartnett sa isang programa sa ABC.  Mas nakapanghimok pa ng aksyon at reaksyon ang nabanggit na opinyon ng tagapanayam tungkol sa mga Filipino, gayong sa parehong katanungan ay binanggit niyang nakatatakot daw sa Pilipinas, sapagkat maraming nandudukot ng mga dayuhan dito para sa pera.  Sa lagay ba nama'y mas tatanggapin pa nating mga mandurukot tayo, kaysa mali-mali tayo mag-Ingles?]

Tandaang ang mga karatig-bansa natin ay napakalakas ng hawak sa kanilang wika, gayunma'y nagawa pa rin nilang umunlad bilang isang bansa.  Walang bansang umunlad dahil lamang nag-aral sila ng Ingles.  Umunlad sila dahil nakapagpalaki sila ng mahuhusay na manggagawa na nagmula sa magandang edukasyon at hindi nasasayang sa pakikinabang ng mga banyaga.

Sa mahigit tatlong siglong sinakop tayo ng mga dayuhan, napakahirap nang kilalanin ang tunay nating kultura at kaakuhan.  Halos lahat ng tinatawag nating paniniwala at tradisyon ay nagmula sa impluwensiya (kung hindi man sapilitang pag-uusig) ng ating mga mananakop.  Sa kabila ng lahat ng ito, tanging ang mga wika natin ang nanatili.  (Kahit na may mga wika tayong tuluyan nang naglaho, at ang mga buháy nating wika ngayo'y hindi pa natin magamit nang wasto.) At mabuti na lamang sa EO210, hindi na tayo nangangailangang maghirap sa paghahanap ng pambansa nating sarili. Nagmagandang loob na ang pamahalaang magpasya para sa atin.

Marapat lamang na magwakas tayo sa isang sipi mula sa Simoun, ang ikawalong kabanata ng El Filibusterismo sa salin ni Virgilio S. Almario:

"... Nais pa ba ninyong magdagdag ng isang wika sa mahigit na apatnapung sinasalita sa kapuluan upang lalo kayong hindi magkaunawaan?"

"Salungat po riyan," tugon ni Basilio, "Kung ang kaalaman sa Kastila ay makapagbubuklod sa atin sa gobyerno, mapagbubuklod din nito ang buong kapuluan!"

"Malaking kamalian!" sabad ni Simoun.  "Napalilinlang kayo sa maiinam na pananalita at hindi ninyo tinatarok ang kaibuturan ng bagay-bagay upang suriin ang sukdulang katunayan ng mga ibubunga nito.  Hindi magiging wika ng lahat sa bayang ito ang Kastila, hindi ito masasalita ng bayan kailanman sapagkat wala sa wikang ito ang mga pariralang katumbas ng mga dalumat sa isip ng bayan at ng mga damdamin sa puso nito.  May sarili ang bawat bayan, kung paanong may sarili itong paraan ng pagdama.  Kayong iilang nakapagsasalita nito, ano ang mapapala ninyo sa Kastila?  Ang kamatayan ng inyong orihinalidad, ang pagsuko sa iba ng inyong mga kaisipan, kaya't sa halip na maging malaya ay lalo lamang kayong magiging tunay na alipin!  Mga taksil sa Inang Bayan ang siyam sa bawat sampu sa inyong nagpapalagay na ilustrado.  Marami sa inyong nagsasalita ng Kastila ang nagwawalang-bahala sa sariling wika kaya ni hindi ito maisulat o maunawaan at marami na akong nakitang nagkukunwang walang alam ni isa mang salita nito!

"Mabuti na lamang at mayroon kayong isang tunggak na gobyerno.  Samantalang ipinapataw ng Rusya ang Ruso sa Polonya upang maalipin ito, samantalang ipinagbabawal ng Alemanya ang Pranses sa mga sakop nitong probinsiya, tumututol ang inyong gobyerno upang mapanatili para sa inyo ang inyo; at kayo naman, isang bayang kamangha-mangha sa pamamatnugot ng isang gobyernong di kapani-paniwala, kayo pa ang masigasig na mawalan kayo ng pagkabansa!  Nalilimot ng bawat isa sa inyo na habang napag-iingatan ng isang bayan ang kaniyang wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kaniyang paglaya, katulad ng pagpapanatili ng isang tao sa kaniyang kasarinlan, upang mapanatili niya ang kaniyang sariling paraan ng pag-iisip.  Ang wika ang pag-iisip ng bayan.  Ikagalak ninyong may katiyakan ang inyong kasarinlan: ipagsasanggalang ito ng mga masilakbong damdamin ng tao!"

Posted at 07:14 am by online1

 

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments




Previous Entry Home Next Entry
   

<< November 2007 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
 01 02 03
04 05 06 07 08 09 10
11 12 13 14 15 16 17
18 19 20 21 22 23 24
25 26 27 28 29 30


If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed