1. Gusto kong itanghal ang kakayahan ng tula upang maging mahusay na paraan ng pag-iisip; na sa pamamagitan ng lunggating
kaakibat ng paglikha ng tula ay pumapaloob ako sa pambihirang karanasan
sa wika. Sa paglikha ng tula nakakaharap ko ang hubad na ugnayan ng
wika at kahulugan. Sa madaling salita (kung mayroon mang ganoon), ang
nagaganap ay isang kamalayan ng wika, isang muling paghaharap
ng matagal nang kakilala, katulad ng kung papaanong nakaiilang na
maging malay sa lupa at sa sariling paa kapag naglalakad. Sa
pamamagitan ng kamalayang ito nakahaharap ko ang lahat ng iba pang
bulag na ugnayan — hustisya, pag-ibig, talino, yaman, o para kay Marx,
mga mahiwagang bagay. Sa pamamagitan lamang ng kamalayang ito ako
matutulad sa pinakaunang 'makabago:' na ang makita ay hindi lamang bato
kundi isang paraan ng paggamit, at samakatwid apoy, sibat, tahanan.
2.
Ang pangunahing anyo ng kamalayan o pagtatangkang maging malay ay
pagdududa, na kadalasan at makatwirang humahantong sa pagkamuhi sa
nakalipas: 2 Marso at nagsunog sina Abadilla ng libro, manuskrito, at
kahit sariling mga tula — mga bagay na 'hindi dapat ipamana.' Gaano ito
kalapit sa Futurism, na kahit (nakasisiguro akong) hindi nagkakilala
ang Rusong sekta nito at ang grupo nina Abadilla, maituturing na pareho
ang kanilang nais. Ilibing na nang tuluyan sina Pushkin, Dostoevsky,
Tolstoy, atbp. Magsa-abo na nang lubos sina Regalado, Collantes, at
maraming-marami pa.
3. Zizek: 'The New arrives in order to
resolve an unbearable tension in the Old. . . The New is negatively
present in the Old.' Isa itong bagay na pinaniniwalaan ko dati, ngunit
lubhang pinagdududahan ngayon. Kung ang Bago ay isang paraan lamang ng
pagbaligtad sa Luma/Nakalipas, hahantong ito sa madaling pag-asa sa
pag-usad ng kasaysayan. Ngunit hindi ganoon ang nangyayari: dumarating
ang Bago hindi upang itama ang Nakalipas, kundi upang dumagdag sa mga
pagkakamali nito. Ang nagaganap ay akumulasyon, at hindi
kanselasyon. Kung kaya't hinding hindi natin maisasakatuparan ang
'reklamasyon' ng isang bagay na matagal nang natabunan, nailibing,
nawasak. Anumang pagtatangka sa 'reklamasyon ng pambansang gunita' ay
isa lamang paglikha ng panibago.
Posted at 10:36 am by online1